Nagmahal ako minsan ng mga paa na parating naglalakad papalayo Ng mga sigarilyong nagkokorteng bagong tasang lapis Ng buhok na animo'y kurtinang hinahangin sa kanyang mga mata Ng mga mata na sumisingkit sa mga titig sa pahina ng libro Nagmahal ako ng boses na wala man sa tono ay awit sa pandinig Ng mga damit na ulap sa kanyang balikat Pangarap liparin ng puso sa madilim na kakahuyan Ng kanyang mga kinikimkim na maligno Nagmahal ako ng mga paa na parating naglalakad papalayo Waring dinidipa ng mga sapatos ang kanyang kwento sa sahig At kung babaybayin ko ang kanyang mga dinaanan ay binabasa ko s'yang muli At 'pag narating ko ang minsan naming naging tagpuan Tutuldukan ko ang pangungusap na ito ng halik Alam kong 'di na s'ya makababalik Kaya ako nang magsusulat ng mga alaalang pwede ko pa ring puntahan 'Pinagpapaalam ko na, ang ilan dito ay maaaring mga kasinungalingan Pero hindi ko sasabihin kung alin Makasarili tayo minsan sa pagpili ng mga isusulat na alaala At ganito ko s'ya gustong alalahanin Sa ganitong paraan ko lang s'ya maaangkin