Kung tatanungin ako kung paano siya nawala Sasabihin kong Isipin mo ang unti-unting pagkupas ng isang kanta Nagsimula ito isang gabi Napansin kong masyado s'yang tahimik Kaya pinatay ko ang radyo't siniguradong naririnig niya ako At kumupas ang sarili kong boses sa kanyang kawalang imik Bihira ang mga awit na biglang nagtatapos sa tuldok Na biglang pumipreno mula sa kanyang harurot Sa birit pagkatapos ay biglang mawawala Noong lumipas ang isang buong araw Nang wala akong naririnig mula sa kanya Hininaan ng DJ sa radyo ang boses kong bigay na bigay pa ring binibirit ang koro Para magbigay daan sa bagong kanta Walang pwedeng magsabing hindi ko 'to nilaban Ang pagpapadala ng mga mensaheng paalala na nand'yan ka pa Sa isang taong hindi sumasagot Ay parang pagsigaw ng saklolo sa laot sa gitna ng pagkalunod Ni hindi ko alam kung nandoon pa ba siya sa kanyang pampang Minsan, nagpunta kami sa tabing dagat kasama ng ilan kong kaibigan At sinugod niya't dagliang niyakap ang alon Na para bang nobyong kay tagal na nalayo sa kanyang minamahal Pagkagat ng dilim Nag-inuman kami't tinanong ko siya kung anong gusto niyang maging Siguro sa kalasangin kaya't sinabi niyang, "dagat" Nais ko sanang sabihing ako rin Nais ko sanang sabihin Na gusto kong madama niya ang aking alat sa kanyang dila Gusto kong ikumot sa kanya itong lamig Gusto kong salubungin niya ako ng may pagsuko Gusto kong languyin niya ako at hindi ko siya lulunurin Hindi ko siya kayang sisihin 'Di ko maaatim na siya'y isumpa Kahit no'ng umagang 'yon na inalay ko ang pilas kong mga bahagi sa kanya Na parang mga sigay na pinulot sa dalampasigan At nakakuha sa wakas ng sagot Walang nabuong kasunduan Hindi nabigyang pangalan ang mga tingin Isinauli ko ang sarili ko sa mga alon Ginawan ko s'ya ng balsa Isinulat ko sa buhangin ang isang panalangin Aking maglalayag Ako ang katas ng niyog sa kanyang tubig tabang Ako ang pinong buhangin sa kanyang aspaltong daan Ako ang preskong hangin sa kanyang alimuom at alinsangan Ako ang bakasyon, siya ang kalungsuran Mapapagod ka sa kanyang tugtugin at hahanapin mo ako balang araw Pangako 'yan sa'yo, aking maglalayag Kung sa laot na kay lawak, ikaw ay maligaw Magbalik ka sa akin Kung ang susunod na pulo ma'y di matanaw Magbalik ka sa akin Kung magbanta ang mga ulap na abot tanaw Magbalik sa akin Kung abutin ka ng gabi't kumutan ng ginaw Sindihan mo ang pabaon kong gasera Pihitin mo ang sagwan Magbalik ka sa akin Minsan, noong nakabalik na kami sa siyudad Matapos kong sa wakas ay magtapat Pinaawit niya ako ng mga paborito niyang kanta Pinakapa niya sa'kin ang tipa nila sa gitara At sa gitna ng pagtugtog Ay hinawi niya ang kurtina ng buhok sa aking mga mata at ngumiti Na parang may pangako ng hindi paglayo Agad din siyang tumayo Bumalik sa paglalakad Aking maglalayag Kung ang pagmamahal sa 'di maaaring manatili ang aking sumpa Bigyan sana ako ng mga bathala ng isla O kung marapatin nilang ikulong ako sa siyudad Isang kabibe 'Yong makukopkop ko sa aking palad 'Yong madidikit ko sa aking tainga 'Yong aalayan ako ng awit ng dagat Na kahit kailan, hindi matatapos