Ang Kalungkutan Ay Suwail Na Bisita Hindi siya magpapasintabi Hindi siya magpapaalam Hindi niya itatanong kung may iba kang kasama Hindi siya tatawag sa telepono Ni hindi nga kakatok Hindi niya kailangan May susi ang kalungkutan sa lahat ng pinto Kabisado niya ang pasikot-sikot ng iyong bahay Kabisado niya ang ang lahat ng mga hilig mong puntahan Pagkatapos ng hapunan Hindi niya huhugasan ang pinagkainan niyang mga pinggan Iiwan niya lang sa mesa ang mga tasa ng kape Pagkatapos ay hihiga siya sa'yong sofa at hindi na tatayo Pipilitin ka niyang manood ng TV Magdamamag pero hindi ka patatahimikin Dadaldal siya sa'yong tabi habang Sinusubukun mong intindihin ang palabas Dadaldal siya sa'yong tabi habang binabasa mo ang iyong libro Babangitin niya ang lahat ng ayaw mo na Sanang alalahanin lalo pa't pag-usapan Itatanong niya sa'yo kung bakit ka mag-isa ngayong gabi? Uusisain niya kung anong nangyari sa lagi mong kausap sa telepono Kung bakit di ka lumabas kasama ang iyong mga kaibigan Kapag sinabi niya 'to Wag kang magkakamali na sabihin sa kanyang nandiyan kasi siya Iisipin niyang pinapahalagahan mo siya ng husto Hindi natin yan gusto Aayain ka niyang lumabas dahil ayos Lang naman daw sa kanyang sumama sa'yo Wag kang mahuhulog sa patibong na'to Ang Kalungkutan Ay Suwail Na Bisita Ngunit mas malala siyang kasama sa pampublikong lugar Hindi gusto ng mga gusto mo ang kanyang amoy at wala sayong lalapit Bukod siguro sa'yong mga kaibigan Interesado ang mga kaibigan sa kalungkutan Siya lang ang gusto nilang kausapin Siya lang ang kanilang kukumustahin Pagkain ang pansin sa kalungkutan At uuwi siya sa bahay mong busog habang ikaw o said Papipiliin ka niya minsan "Ako o pagkamanhid?" Pwede mong piliin ang huli pero hindi mo pa rin siya mapapaalis Minsan din masasanay ka na Nandiyan pa rin siya sa bahay pero kaya mo nang tumawa Ang kalungkutan ma'y pwedeng maging mapagbigay Ilalakad ka niya sa mga gusto mong mahalin Iuuwi niya sa bahay mo ang ilan Hahayaan kayong mag isa Pero babalik siya para kalampagin ang pinto sa'yong silid Dahil ang gustong mahalin ay hindi mahal At baka meron pang ibang mahal O baka hindi talaga to tungkol sa pagmamahal Kundi sa kanya Siyang nagpapadala ng mga mensahe sa kanilang tumitingin May hindi ka tititigan Siyang nagbubungkal ng mga kahon ng luma niyong mga larawan Siyang hindi alam kung kailan lalayo Siyang halos bahagi na ng iyong katawan Siyang na wag galawin ang iyong bahay Na wag kausapin ang iyong mga kaibigan Na wag kang hanapan ng maaaring mahalin Hinding hindi ka susundin Ang kalungkutan ay suwail na bisita Pero minsan, halimbawa isang madaling araw Matapos niyang magtalo ng matindi Makikita mo siyang tahimik sa'yong sala Ipagtitimpla mo siya ng kape Kakausapain siya nang kay hinahaon Kikilalanin, pagkatapos ay aalayan ka niya ng awit, o di kaya ng tula Iikwento kung bakit siya nandirito Kung bakit ayaw ka niyang patahimikin At ganito mo siya kakaibiganin Minsa'y ganito ka rin niya iiwan Wala muling pasabi Lilingon ka at walang sasalo sa'yong tingin Kundi ang bahay na ikaw lang ang laman Ang kalat na kailangan mo nang sinupin Ang awit, ang tula, mga supling ng inyong pagniniig At may pamamaalam pa bang ganito katamis? Minahal mo siya sa wakas At kay ligaya mo sa kanyang pag alis