Bakit pa kaya kailangang dumilim? Bakit hindi na lang maging maliwanag habang-buhay? Iyan ang paulit-ulit mong tanong sa akin Sa gabi-gabing ubod ng panglaw at katahimikan Malayo sa kulay at sigla na mayro'n ang araw Malamig, maginaw Bakit ba naman kasi kailangan pang dumilim? Bakit kailangan pang paikutin ng sansinukob ang kalupaan At bigyang-pagkakataong maitago sa kawalan ang mga lihim? Ano'ng kinalaman ng oras? Masisisi ba ang mga bituin? At sa dami ng tanong na iwinasiwas mo sa akin Ay siyang dami rin ng sagot na bumubuo sa isipan ko Pero tanging "mahalaga ka" ang salitang nabitawan ko Alam ko lang, nagpasalamat ako sa mga pagbabaka-sakali Alam ko lang, nagpasalamat ako sa mga "paano kung" Sa pagtatalo sa isip ko na hindi ko alam kung saan hahantong Paano kung nagkataong sa iba? Paano kung hindi kita nakilala? 'Wag naman sana pero gaya nga ng iniisip mo Hindi ko nga masisisi ang mga bituin Lalo na't ubod ng ligaya ang kinang nito sa 'yong mga mata At 'di rin nagkasala ang oras dahil itinakda niya Ang pinakamagandang panahon at pagkakataon para makilala kita "Mahalaga ka", ang tanging lumabas sa aking bibig Habang dahan-dahan kong napapansin ang unti-unti mong pag-idlip Inilalayo ka nito sa katotohanan kaya sana makita kita sa panaginip Nang sa gayo'y hindi pa huli ang lahat Hindi pa huli ang lahat para masabi kong "Hindi ba't kay sarap kung araw-araw nating Sasalubungin ang araw na papasikat sa umaga? Hindi ba't kay gaan sa pakiramdam ng sikat nito Kapag tapos na tayong lamunin ng matinding kalungkutan? Hindi ba't katahimikang gaya ng gabi naman ang nagiging dahilan Kung bakit nawawala ang mga tampuhan at bumabangon si Haring sol sa 'ting dalawa?" Pero gaya ng gabi, namahinga ka na Pero 'wag kang mag-alala, hindi na ako magtatanong at mag-iisip Ng kung sinong naiwan sa ating dalawa Nanlalabo na rin ang mga paningin ko't nagtatakip-silim na Hinihintay ko na lang na pumagitan si oras kung kailan ba Hinihintay ko na lang na pumagitan si oras, makakasama na kita