Nag-iisang lumilipad ang langay-langayan Anino n'ya'y tumatawid sa nanunuyong palayan Tanging sagot sa sigaw n'ya ay katahimikan At kaluskos ng hangin sa dahon 'Sang ikot pa, huling sulyap mula sa ibabaw ng bayan Mga kubong pinatatag ng nipa at kawayan Paalam na, paalam na ang awit ng langay-langayan Ngunit, walang nakasaksi sa palayo n'yang lutang 'Pagkat wala nang tao sa Sta. Filomena Walang aani sa alay ng lupa Nakayuko ang palay, tila bang nalulumbay Tila bang naghihintay ng karit at ng kamay Nahihinog ang bunga ng mga mangga't bayabas Pinipitas ng hangin at sa lupa'y hinahampas Sinisipsip ng araw ang tamis at katas Iniiwan ang binhing umaasa At pagdating ng tag-ulan sa pinaghasikan Upang hugutin ang buhay mula sa kamatayan Muling dadaloy ang dugo sa ugat ng parang Subalit, ang lahat na 'to'y masasayang 'Pagkat wala nang tao sa Sta. Filomena Walang aani sa alay ng lupa Ang palay ay nakayuko, tila bang sumusuko Naghahandog ng buhay sa karit at kamao ♪ Lumilipad, sumisigaw ang langay-langayan Nasaan ka at bakit ka nagtatago, taumbayan? Panahon na, panahon nang balikan ang iniwan Dinggin natin ang tangis ng abang langay-langayan Dinggin natin ang tangis ng abang langay-langayan